Pumunta sa nilalaman

Anino ng Yapak (Mga Tulang Haibun)

Mula Wikiquote

Ang Anino ng Yapak ay mga tulang haibun na isinulat ni Reuel Molina Aguila.

Ang Haibun ay isang uri ng ng tulang hapones na magkakalakip ang prosa at maikling tula.

Si Matsuo Basho, sagisag-panunulat ni Matsuo Munefusa (1644-94), ang kinikilang lumikha ang anyong ito. Gayunpaman, nang saliksikin ng mga taga-kanluran ang kanyang mga tula, ang tanging kinuha lang nila ay ang maiikling tula na makikilala bilang haiku; iniwan ang prosa dahil sa simpleng dahilan na wala pa noong konsepto ng pagsasanib ng prosa at tula ang kanluran.

Lingid sa mga taga-kanluran, ang prosa ay integral na bahagi ng kabuuang tula na makikila bilang haibun. Saka pa lamang din tatanggapin ng kanluranan na mayroong tinatawag na pagsasanib ng prosa at tula.

  • p. 1

Anino ng Yapak

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Nagbabago ang mga daan. Tuwid na landas ay nababaliko, kundi man ay nagsasanga; nag-aanyaya ng pasya, kung kakanan o kakaliwa sa isang kanto, o dederetso.

Nanunulot ang mga lagusan. Hinahakbangan ng mga tulay ang mga balakid. Nagpapaikot ang mga rotonda. Kumikitid ang mga daan. Napuputol ang mga lansangan. Naghahabi ang mga eskinita at abenida. Ngunit laging naghahatid sa isang manlalakbay sa isang hantungan: lunsod o kagubatan o isang limot na bayan o naghihintay na tahanan o doon din sa pinagmulan.

  • Mga landas sa isip
    Lumawak o kumitid
    May gabok man o tinik
    Babalikan ding pilit

Tuwina ang lubak at alikabok; ang ingay at busina; ang mga tao at sasakyan; ang pagmamadali at paghihintay; ang siksikan at pag-aagawan; ang maaabutan ng gabi o mauunahan ang madaling araw; ang bagyo't baha; ang traffic at ang pag-iisa.

  • May hinahanap man din
    Salusob, nakapuwing?
    Ngayo'y pailing-iling
    May nais bang baguhin?
  • p. 3

Manlalakbay tayong lahat sa kaniya-kaniyang landas at mga nagbuhol-buhol-nagsalasalabid na kalyehon at bulibard ng ating buhay. Marahil nagkita tayo sa isang panulukan, naghihintay tumawid. Marahil, nagkasalubong sa makitid na sidewalk; magkasuno sa isang sasakyan, kapwa nakita ang mga sakuna sa dinaraanan, o magandang tanawin, nag-abutan ng pamasahe sa isang garalgal na jeepney; nagkabrasuhan sa pag unahang makasakay; nakisukob sa isang gibang gusali o tuyot na puno; nagkatanungan ng direksyon...nagkakilala marahil, o naging magkaibigan, o sadyang ganoon lamang...hindi nagkapansinan.

  • Mga anino ang yapak
    Hangi'y may alingasngas
    Pinagdaanang landas<Lumingon ang lahat>
  • p.4

Psyhedelic ang kulay ng dekada 70. Nang-aagaw-pansin. Naghuhumiyaw ang mga kulay at buhay na unti-unting nakakaramdam ng kahirapan. Tuluyang lumutang ang piso gaya ng usok ng yosi at damo. Humahaba ang buhok gaya ng listahan sa tindahan. Umiikli ang laylayan ng palda gaya ng pasensya ng mamamayang nagsisimulang makasilip ng kamulatan sa inaagnas na lipunan.

Minana ng Setenta ang pagmamaktol ng Sisenta; ang pagtatanong ng Singkwenta; at ang paghihinagpis ng Kwarenta. Sangandaan ang dekadang ito; nagtatakwil sa wikang Ingles habang nakasuot ng Levis; gusali'y nagtatayugan at nagbabalik sa Silangan. Nagbabagong-bihis ang mga pananaw. Ang kabataan ay agad nagkakauban.

  • Mabilis ang pagtatanda sa mga yugtong ito:
    Bagyo't ng Unang K'warto ang unang sumalubong;
    Kinamusta ng truncheon, pillbox, molotov, bato;
    Barikada'y dumalo sa may Diliman Commune;
  • Sinabihan ng dagsa ng bomba sa simbahan; Binusog ng aklasan;
    Writ Suspension ang bigwas;
    At nang pinaghimagas, alimpuyo ng bayan, Ang naghahari-haria'y militar ang s'yang batas.
  • p. 5
  • Sumulong ang adhika, kabataang nagsisilbi Sa bayang inaapi, sa t'yorya ma't pagkilos
    Agad-agad lumahok;luho'y isinantabi.
    O, kay bilis lumaki, ngunit gayunding musmos.
  • Masdan ang mga bata sa mata nitong sigwa
    Kamusmusa'y nawala, kay bilis ng pagtanda.
  • p. 6

Ang Daan Patungong UP

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Isang stick lang na yosi ang biyaheng UP; mula Cubao, sa may New York o katabi nitong palengke ng Q-Mart. Freshman at nagsisimulang mag-aral sa mga gawi ng mga may-gulang; swabeng-swabe kong tatawirin nang halos walang lingon-linga ang mga maaliwalas na High-way 54; dalawang lane mula sa gawi ng Magsaysay, at dalawang lane sa kabila.

  • Nais maituring na mamang tigasin
    Notebook sa likuran, sa kamay ay lighter
    Kumupas na maong, di plantsadong t-shirt
    Sapagkat college na't di na alagain.

Dalawa ang pinagpipilian kong sasakyan patungong UP: isang jeep na galing sa may Arizona, o bus na galing Baclaran. CAM, JD, o MD ang pangalan ng bus. Isang ale ang konduktura: kadalasan ay maliit ngunit siksik at may binting sintigas marahil ng poste dahil sa katatayo; nakaalmirol na unipormeng kupas na pink; malinis tingnan at maliksi ang kilos.

Sa likod lagi ako umuupo. Hahawiin ang mga pasaherong nagsisiksikan sa may estribo na waring nagtataka kung bakit sa likod ko gustong puwesto. Hindi ko rin naman sila maintindihan, parang sardinas sa may harapan gayong maluwag pa sa likuran.

  • p.7
  • Masaya na ako sa'king pag-iisa
    Di ko kayo pansin, di n'yo 'ko kilala
    Sa lunsod na ito, bawal mang-abala
    Sapagkat college na't loner kung umasta

Naiwan ang usok ng sigarilyo at mga nagbabaang pasahero sa mga dinaana't binagtas na kalye ng Kamuning-Kamias. East Avenue, V. Luna, at Elliptical Road. Mga kawani ng LTO, SSS, City Hall, Housing, Philcoa, at kung anong opisina; nagmamadali; laging nagmamadali.

  • Relax ka lang pare, relax ka lang mare
    Umagang umaga'y parang kiti-kiti
    Kayo, opisina, ako, sa'king klase
    Sapagkat college na't meron ng diskarte.

Ang Philcoa ang magsasabing malapit na ang UP. Kakaunti na rin ang mga pasahero; siguro kami na lang mga taga UP. Sa may check point ng University Avenue, pipitikin ang nag-uupos nang yosi; kunwang sisilipin ang mga gamit sa klase; aastang laging seryoso.

  • Sapagkat college na't mayroon nang tapang
    Lumabas ng lungga, handa nang maglakbay
    Ang biyaheng UP, isang stick lamang
    Ang biyahe ng buhay, ilang pakete 'yan
  • p. 8

Lumaki ako sa isang pribelihiyo ang magkatubig na galing sa gripo. Dito nanggagaling ang pang-araw-raw naming inumin; Nawasa juice ang tawag; kung di kayang bumili ng Pepsi, Coke, Mirinda, Sarsi, RC, Canada Dry, Seven-UP, Chocovim, Syempre, dito rin galing ang tubig na panlaba, panghugas, pang-flush, pandilig, at kung ano pa. At saan kumukuha ng tubig ang karamihan?

  • Bomba ang binansag sa poso ng tubig
    Na may pila-balde tuwing umiigib

Sa kalunsuran, panahon iyon ng pusali, open canal, bakanteng lote, at damuhan. Nagsisimula pa lamang gumagapang ang mga apartment at mga gusali kaalinsabay ng mga barung-barong; walang direksyon, walang disenyo ng city planning ang pag usbong ng lunsod. Isang paraiso ng mga peste ang nalikha.

  • Bomba rin ang tawag sa pumupulandit
    Pamatay-kulisap, lamok man o ipis.

Sa mga sinehan, second o third run, malaking electric fan ang nagpapalamig sa mga katawang nag-iinit. Biglang nagsisingit ng mga eksena ng mga babaeng nakabuyangyang ang karikitan; at gayundin, may kaparehong nagkahinang ang gawinng puwitan.

  • Bomba rin ang paswit sa katawang hubad
    Sa sineng may surot di pansin ang kagat
    Pila-baldeng dilag basta tumatambad
    Pulandit ng dagta, kay sarap, kay sarap
  • p. 9

Sa mga plasang pasyalan ng mga pamilya matapos makapanood ng sine, may labi pa ng alingawngaw ng sigaw sa mga pangangampanya ng mga politiko sa dadalawang partido. Uso ang mud-slinging na pinasasabog bilang panira sa katunggali.

  • Bomba rin ang sigaw kapag nambabato
    Ng bira't pangako nilang kandidato

Kaya't isang gabi, sa miting de abanse, habang bomba ang isinisigaw sa mga atake ng LP, dalawang granada ang pinasabog. Siyam ang patay, kulang-kulang sa isandaan ang sugatan.

  • Ay ang wika man din sa aming panahon
    Pasiko't sikot pa, literal ang hantong
    Boom, boom
  • p. 10

Iba't iba ang mga sukatan namin. Kahoy na kahon ang salop, gatong, chupa; para sa bigas ang mga yan. Lata ng gatas, langis, o juice ang nagiging panukat na tinatawag na takal; para sa tulya, suso, at ano mang maitatabo. Tumpok naman para sa mga hindi na kayang takalin; tulad ng maliit na isda, prutas at gulay at anumang bagay na basta ipinagsama-sama. Ang mga hindi maitumpok ng basta, gaya ng kangkong ay binubungkos at por tali ang pagtitinda. Ang iba pa ay por piraso; gaya ng buhay na manok, langka, kalabasa, buko, mangga, at marami pang iba; depende sa diskarte ng manininda. Ang langis panluto ay inilalako sa lapad o bilog; mga boteng babasagin ng rum at gin. At kung hindi magkaigi sa mga sukatan, nagtatantyahan na lang; tinitimbang sa sa mga palad, dinadangkal, pinipisil, inaamoy, sinisiyasat. Nagbubulungan, nagtatawaran, pinapakyaw, nagbubwena-mano, o presyong-pauwi ang mga posible pang paraan.

Ngunit laging sinusuway ang mga sukatan. Ang pagkilo ng karne ay hinihiritan ng kapirasong hiwang pinadagdag. May tawad ng ilang butil ng bawang; may patawad, pasobra, paumbok, at kung ano pang lalabis o hihigit sa mga itinatakdang sukatan.

  • Lagi tayong sinusukat
    Sa edad, tangkad, at bigat.
    ang medida ng tagumpay
    Ay salapi, kotse, bahay;
    Dinidisplay ang diploma
  • p. 11
  • At imported na delata
    Ang budhi'y kinikilatis
    Sa gaspang-kinis ng kutis:
    Maganda kapag mestisa
    Bigotilyo'y kontrabida;
    Lalaki'y bawal umiyak.
    Babae'y bawal malakas
    Di lamapas tengang buhok,
    Damit, di dapat gusot,
    Ang masunurin ay mabait,
    Ang palatanong ay makulit.
  • Lagi na lang may pagkiling
    Itong buhay na pasanin.
    Kaya't nagpapahaba ng buhok
    At natututong di sumusunod;
    Nagsuot ng sandalyas,
    Itinakwil ang medyas,
    Pantalong kupas, butas
    At...nagkorona ng angas.
  • p. 12

Ang Aking Buhok

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Para bang sa anumang oras ay may mga dayuhang lulusob sa Pilipinas; kaya ni-require ang PMT at ROTC. Sa takot sa sariling anino siguro nagmula ang requirement na ito; gaya rin ng propaganda ng estado na gagawing betchin ng mga Komunista ang mga batang mahilig sumuway.

  • Ayan na ang kapre
    Higa na ang beybi
Ayan na ang multo
Pikit na ang bunso
Ayan na ang Bombay
Tulog na, panganay
Ayan na ang intsik...
Tak-bu-han na,
Tak-bu-han na,
Tak-bu-han na,

Kaya't para maihanda ang mga mamamayan sa inaakalang paglusob ng kung sinong Sino o Ruso, kinakailangang matutong magmartsa, mag-uniporme, maging masunurin, at higit sa lahat magpaikli ng buhok.

Matay ko mang isipin, hindi ko maintindihan kung paano maiiligtas ng ga-kutsaritang buhok ang aking bayan.

  • p. 13

Nakasaliksik sa mga sulok ng lungsod ang sinasabing looban o squatters' area: sa pagitan, ng mga gusali, sa gilid ng subdibisyon, sa ilalim ng tulay, sa mga tabi-tabi ng mga bakanteng lote, sa pampang ng mga estero, o saan mang walang kagyat na naninirahan. Sapagkat kagyat ang pangangailangang may matitirahan ng mga dumagsa sa Kamaynilaan; may kaniyakaniyang dahilang ang suma-total ay ang higit na kawalang pag-asa sa kanayunan.

Unti-unti, parang mga ligaw na damo, gumagapang ang ugat ng mga walang sariling lupa at bahay. Mula sa mga anino at siwang, umuusli ang mga ito patungo sa gilid ng maaliwalas na daan, bukana ng malawak na bulibard, hanggang masakop ang kabuuan ng mga lupaing sagana sa araw ngunit tiwangwang.

Ang mga iskwater: nakatingkayad sa ilog Pasig, nakabakod sa Tramo at iba pang daang-bakal, nakatalungko sa breakwater ng Dewey Boulevard, nakasilip sa tabi ng mga nightclub ng Mabini, naglawa sa may Dagat-dagatan, nakaluhod sa may Quiapo, nakapaskil sa mga pader ng Intramuros, nakablandra sa bawat kalyehon ng Tondo, nakahimpil sa bawat bangketa ng Caloocan, nakabuyangyang sa harapan ng Phil-Am, gumagapang sa kahabaann ng Commonwealth... sa buong kamaynilaan. Sila ang nakaprente...ngunit sila parin ang looban, ang mga taong di makalabas sa kahirapan.

  • p. 15
  • Dikit-dikit na bahay Karton, yero at gulang
Tambay ng mga tatay Yayat ng mga sanggol
Pag-asa ay lupasay
Sangsang, basura't gutom
Andamyo't eskinita'y
Sa wala humahantong
  • p. 16

Malayang Komunidad Ng Diliman

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Naghihintay sa aming propesor sa may 4th pavilion ng AS, ayaw naming mamarkahan ng absent sa araw na ito; lalo na sa araw na ito. Matinding banta niyang ang sinumang umabsent kapag may rally, ay, wala nang palinawagan, 5 na agad. Freshman, angat-tenga-abot-bumbunan ang gupit; at araw ngayon ng rally.

  • Sunod ng sunod
    Maikli ang buhok
    Lagi nang takot

Habang naghihintay, ginaya ng isang kaklase, mukhang inosente, ang mga pakwela ng aming propesor: isang araw, pumapasok si Prof. na may band-aid sa nguso; gustong magpapogi kayat nag-ahit, ngunit gumurlis ang blade malapit sa labi. At biglaang nag-utos na lahat ng naka-mini skirt ay maupo sa harapan. Tawanan kami nang tawanan dahil sa matinding libog ng matandang uugod-ugod.

  • Kahit may barya
    Sa hitang mala pata
    Maikling palda

Halos mauubos na ang oras para sa klase ay wala parin ang propesor na may band-aid at mahilig sa batang bebot at galit sa mga nagra-rally. Sa wakas may nagkalakas din ng loob na magyayang umalis na kami; mahaba ang kaniyang buhok at naka-bell buttom.

  • p. 17

Walang Pasok

Sa labas, ng pavilion, walang tao. Sa loob ng AS, walang tao. Sa labas ng AS, walang tao. Kami na lang ang naroroon. Wala ring jeep o bus o kotse. Kayat naglalakad kami patungong Admin, patungo sanang Philcoa; patungo sa bahay ng isang kaklase, gaya ng dati, maghapong magsasayawan, kami-kami lang, apat na lalaki at tatlong babae. Dahil wala ang kanyang magulang, nasa trabaho, at solong-solo namin ang kanilang bahay; sabay sarado ng mga bintana, para magmukhang gabi na; sabay salang ng isang 45, 'yong may flip side. At parang rigodon na magpapalitan kami ng kapareha sa buong hapong pagsasayawan sa isa't-isa.

  • Buksan ang black light
    Saraduhan ang mundo
    Sayaw sa dilim

Ano ang Isyu?

Higit na maliwanag ang araw na iyon sa may Admin. Sa tulay sa pagitan ng mag-asawang gusali sa likuran ng Oblation, tanaw namin ang human barricade na nagaganap sa University Avenue. Kaya pala, walang sasakyan sa campus. Ano ang issue? Tanong iyong umugong sa ilan sa aming nagkukumpulan na doon.

  • p. 18

Paano na ang sayawan namin sa hapon? Di na namin tinanong iyon; parang alanganin sa sitwasyon.

Isa-isa, ang mga sasakyang nagtangkang makapasok ng campus ay nagsibweltahan; sabay ng hiyawan ng mga slogan. Nakikisimpatiya ng UP sa strike ng mga tsuper laban sa pagtaas ng presyo ng gasolina.

Isang lumang kotse, parang tangke, kulay itim na ang nais makipagpantero sa mga nakabarikada. Bwelta pa rin siya. Ngunit ilang saglit ay nagbalik; driver ay bumababa; at amin pang biro, kamukha ng aming guro, wala nga lang band-aid sa aking pagkapansin. At walang kaabug-abog itinutok, at ipinutok ang sandata sa mga nagbabarikada.

  • May bumulagta
    Tulad sa slow motion
    Lahat nabigla

Isang freshman din, tulad ko, ang pinaslang. Guro naming hinihintay kanina pa man ang pumaslang, siya na may band-aid sa nguso, mahilig sa nakamini-skirt, at galit sa mga nagra-rally.

Dugo sa Oblation

Duguan ang Oblation, mistula, dahil sa pulang pinturang ibinubo sa estatuwa. Ginitgit, inipit ng galit ng mga aktibista ang presidente ng UP, walang masabi. Itinakas ng UP Police ang namaslang na propesor. At kami'y naroroon parin, napatda sa bilis ng mga pangyayari. Dumagsa ang mga aktibista mula sa kaliwa't kanan, at kami'y literal na naipit sa namumuong kasaysayan.

  • p. 19
  • Duguang araw
    May awit ng pagtutol
    Luha't kamao

Ang Silya'y hindi Silya

Parang sa isang gusaling nasusunog, naglundagan ang mga silya mula sa AS. Ihinahagis ang mga ito ng mga estudyanteng ngayo'y nakapaglagom na ng kanilang diwa at damdamin mula sa kalalampas na lagablab ng dahas sa isang estudyanteng hindi na makapg-aral.

Sa kung anong hudyat ng nagkakaisang kolektibong kaisipan, inilikas ang mga silya, mesa at kagamitan sa mga silid-aralang nagtuturo ng kaisipang urong at buktot tungo sa kalyeng higit na may karanasang mapagkukunan ng buhay na karununga. Ang sikdo ng dugo, ang bugso, ng damdamin, ang bulwak ng galit, ang ragasca ng pagpupuyos, ang galit sa mundo, ay may isang salita...BARIKADA.

  • Sa isang kanta
    Ang silya'y hindi silya
    Ay, barikada
  • p. 20

Isang Pista

Ang tensyon ay mababang ulap na nakalutang, gumagapang tulad ng malamig na Pebrero sa Diliman. Ang garagalgal na tinig ng mga estudyanteng anchor sa DZUP ay lalong nagpasidhi sa posibilidad na sa anumang oras ay lulusob ang mga pulis at militar. Sa unang pagkakataon, number one station ang DZUP.

Praning sa infiltrator ang mga tibak. Gayunpaman, papasukin ng militar, isang gabi, ang UP; dumaan sa gawi ng Kamia at Sampaguita. Napaatras din naman sila; pero nangmolestiya muna ng mga dormer na nagpapahinga o nawalan ng ulirat dahil sa teargas.

Opisyal na ideneklara ng presidente ng UP na wala na talagang pasok hanggat may barikada. Walang pasok pero naroroon ang lahat ng taga-UP: estudyante, guro, non-academic personnel, at ang mga nakatira sa mga area-area. Sa unang pagkakataon, ang UP ay tunay na nagkakaisa.

  • Parang pista ang barikada May puto't kakanin, sandwich,
    Pansit, at iba pang pagkain;
    Kontribusyon ng mga sympathizer.
    Patentero ang pagdaaan sa mga harang
    Ng mga silya't mesa, sangang pinigtas.
    Parang musikong gumagala ang mga frat
    Sa pagmamatyag sa militar na manghihimasok
    Tigil muna ang rambol at nagkaisa.
  • p. 21
  • Sa isa't isa, ang saya sa paggugwardya.
    Ang mga aktibista'y mistulang naka costume,
    Mala-Mao, Che Guevara pero naka-bellbottom.
    Mga streamer at poster ay kiping na pahiyas.
    Sirkero, contortionist ang nakasalampak
    Sa damuhan, hagdan, kalye at pasilyo;
    Mahikero sa paglikha ng molotov at pillbox.
    At kapag may helicopter na palipad-palipad
    May slogan at kwitis na sisirit, tutugis.
    Sinong nagsabing dapat kunot-noo
    Ang pagbabago, na hindi isang piging
    Ang paggising. Masaya ang makibaka.
    Masaya ang pangako ng bagong umaga.

Isang Pelikula

Sabayan ang naging paglusob ng mga pulis at militar sa magkabilang dulo ng unibersidad, sa harapan sa gawi ng golf course, at sa likuran sa may Vinzon's. Sapat na ang libong yapak ng combat boots para yurakan ang maliit na bulaklak sa Diliman. Ngunit di pa nagkasya. Walang laban ang pillbox at sinigaang barikada sa ulan ng bola ng armalite.

  • Ito ba ay pagkatalo ito ba ay pagkagapi
    Isang abenturismo
    Ng mga paslit at bagito?
    Retorikang walang braso?
    Kaliwang romantisismo?
  • p. 22
  • Ngunit kailangang pakawalan
    Ang kalapati ng kapayapaan
    Libong bala ay tumugis man.

Umuugong pa sa akin ang awit ni John Lennon sa pelikulang Strawberry Statement, isang paggagagad sa protesta ng mga mag-aaral sa Columbian Univeristy, USA noong 1968: "All are we saying..."

  • p. 23

Batas Militar

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa paggitan ng bangugngot at realidad: nakahiga ako sa taas ng double deck, ginigising ako ng aking tatay, magtatanghali na, magpagupit na raw ako ng buhok. Isa ngang bangungot.

Walang ihinatid na dyaryo. Walang programa sa radyo o telebisyon. Mag linis daw ako ng mga papeles ko.

Sa pupungas-pungas na isip, nagsasalimbayan ang mga kagaganap kamakailan lang: Oplan Sagittarius, ang sunod-sunod na pambobomba sa mga ilang department store at opisina, wala namang namatay; ang paulit-ulit na propaganda ng gobyerno na nakapasok na ang NPA sa lunsod; ang mga pumipiglas na mga delegado sa pagbabago ng konstitusyonng papabor kay Marcos, ang sinasabing hindi matagumpay na pagkakaambus kay Enrile. At nag rally pa kami sa Plaza Miranda noong ika-21 ng Setyembre. Isinisigaw pa namin sa araw na iyon: tiyak na idedeklara na ang Batas Militar.

Bente tres ngayon ng umaga. Usap-usapan daw, sabi ng aking tatay, sa tindahan sa kabilang kanto na idineklara na ang Martial Law. Hindi ako naniwala; intriga lang yan, black prop. Kayat tinawagan ko ang mga kaibigan.

  • p. 24

Confirmed; sinabing inaresto ang marami kagabi pa lamang. Isa ngang realidad. Martial Law na tulad ng inaasahan at binabanggit sa maraming DG at pag aanalisa.

Marami pa tayong inaral, tiniyak na magaganap
Ngunit pag nandiriyan na'y bantulot na tinatanggap
Dahil ang susunod mandin ay hindi na maapuhap
May halong takot-pagtakas, bumulagang realidad.
  • p. 25

Kilala ko ang mga sulok at lihim na lagusan ng Cubao. Mula sa intersection ng Aurora at Hiway-54 patungong bahay, ang mga kalye at eskinita, pagitan ng mga bahay at bakanteng lote ay nakamapa na sa aking isipan. Sa Espana Extension, sa Arizona, Denver, tagaos ng New York, magsasanga na ito