Pumunta sa nilalaman

Isang Dipang Langit

Mula Wikiquote

Ang librong Isang Dipang Langit ay katipunan ng mga tula ni Amado V. Hernandez. [1]

A! siya rin nga yaong sosyedad...
punong higerang bulok ang ugat —
pilak ang balat
ng isdang kapak:
may kaunlaran ng alimasag,
may kamulatan ng isang bulag:
orasang ginto ang nasa galang
ay walang malay
sa naglalahong gabi at araw;
haling sa iwing karika't kislap
di pansin itong nagngangang sugat,
lingaw sa ugong na nagbabansag
ng kanyang labis na pagkaunlad
ay bingi't patay sa hikbi't tawag
ng nagugutom at sawimpalad,
naglilimayon sa alapaap
ay di mabasa ang nakasulat —
kamay ng kidlat
na nakaturo sa huling oras!
p. 19
Wala sa malaki, mayaman, maysakbat,
ni sa kapantasan ng lalo mang pantas,
ang katagumpayan
ng banal na mithi, adhika't panagarap;
ang tining ng bukal
ay di manggagaling sa maruming lubak;
laglag na ag anghel kung sunog ang pakpak.
p. 22
Ang istorya ay dakilang bantayog
ng buhay ng madlang dakila,
ang istorya'y walang katapusanng tulay
ng kahapon at ngayon at kinabukasan
ang istorya ay tao
at tao ang istorya...
p. 24
Isang katanungan mahirap sagutin,
nanggaling sa wala't sa wala hihimpil;
subali't may taong buhay nga'y patay din.
At may di magawang patayin ng libing.
p. 26

Dalawamg Tanong

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Pag ang isang tao nasiyahan agad
sukat ang matuto
kung pano yumari ng gamit o sangkap,
oo't matalino
ay katalinuhang di makalilipad.
p. 27
Nagpupugay ako sa paham na Darwin,
lakandiwang Freud at henyong Einstein:
inugat kung saan ang tao nanggaling,
ang lihim ng isip at puso'y nilining,
sa agwat-panaho'y dinukot ang lihim.
p. 28
Sumaksi ang mundo
sa maraming Cesar, Alejandro Magno,
sa mga Napoleong ubod ng tapang,
sa mga Samsong hari ng lakas,
sa mga Socrates na nuno ng dunong,
sa mga Risal na sakdal ng giting,
ay iisa lamang sa sandaang siglo
ang Kristo.
p. 29
Pagmasdan ang panday, bakal din anaki,
walang kayabanga't nasa isang tabi;
subali't sa kanyang kamay na marumi
ay naryan ang buhay at pagsasarili!
p. 30
Tao'y nagdiriwang sa kanyang nagawa,
hinamon sa bago at bagong himala
pati ng Lumikha;
gayon ma'y malimit na mapatingala:
siya'y alabok lang kahapo't mamaya.
p. 31



  1. Amado V. Hernandez. Isang Dipang Langit: Katipunan ng mga Tula. 1961